Saturday, 6 July 2013

Warhammer 40,000: Relihiyon, Teknolohiya, at Pamahalaan, at Taong Masa. Mga Binhi ng Isang Malaking Digmaan?

Necron Lord (nasa pinakaharap)
at mga Space Marines na nilalabanan ang Necrons

         Ano ba talaga ang hinaharap ng mundo? Tahimik na nakikipagtunggali ang Islam at Simbahang Katoliko. Unti-unting kinakain ng Kapitalismo ang mga naghihirap upang mapaikot ang lamang ang mundo. Ang mga Pamahalaang nagpapakita lamang ng ninanais nilang ipakita, iniiwan ang mga pananagutang hindi kayang kagatin, at ibinabaon ang hindi nilang ninanais upang malimot. Kung ganyan ang sitwasyon ng mundo, Ano na ngayon ang Globalisasyon? Ito ang mga tanong na lumalabas sa larong Warhammer 40,000 Dawn of War: Dark Crusade kung saan nagsasalubong ang pitong pangkatin na binubuo ng Space Marines, Chaos, Imperial Guard, Necrons, Orks, Tau, at Eldar magsisilabanan upang mamuno sa planetang Kronus kung saan inirerepresenta ng bawat pangkat at ang relasyon nito sa mga kalaban at layunin ng talang ito na isuri ang larong ito bilang salamin sa paraan ng pag-isip ng mundo sa panahong inilabas ito. 
God-Emperor of Mankind
           Unang-una, bibigyan ko muna kayo ng isang introduksyon sa pitong pangkatin na nasa larong ito. Ang pinakamalakas, mapanampalataya, at matibay na mandirigma ng God-Emperor of Mankind ang mga Space Marines na bunga ng “genetic experimentation” at tinuturing bilang The Emperor’s Angels of Death ng Imperium of Man ngunit sila rin ang may pinkakaunting bilang sa buong laro. Susunod naman ang Imperial Guard na binubuo ng bilyon-bilyong mga karaniwang lalaki at babae na nagmumula sa iba’t ibang planeta at karaniwang napipilitan lamang lumahok upang maprotektahan ang Imperium of Man mula sa napakaraming digmaang sabay-sabay na nangyayari sa iba’t ibang bahagi ng Imperium. Binubuo naman ng “sinasabing” masamang elemento ng Chaos naman ang pangkat na binubuo ng mga Space Marines, Imperial Guard, atbp. na sumasamba sa Ruinous Powers na sina Khorne, Diyos ng Digmaan at Dugo, Tzeench, Diyos ng Kaalaman at Kasinungalingan, Nurgle, Diyos ng Sakit at Kamatayan, at Slaanesh, Diyos/Diyosa ng Sobra. Tinuturing na erehe ang mga nawawalay sa daan ng Emperor at pumupunta sa Chaos upang maging makapangyarihan. Necrons naman ang mga taong bakal na iisa lang ang layon at ito ay ang pagpatay ng buhay sa buong kalawakan gamit ng kanilang na teknolohiya. Orks ang pinakaprimitibo na pangkat sa buong laro ngunit malakas sila dahil sing dami nila ang Imperial Guard at magsing lakas naman sa Space Marines. Kagustuhan ng kanilang lahi ang walang tigil na paglaban kaya hindi sila katulad ng Necrons na pumapatay dahil ito lang ang alam nila. Para sa Orks isang libangan ang pagpapatay ng kahit sino, pati ang isa’t isa. Nakasalalay naman sa matuso na Eldar ang pagmanipula ng unang anim na binanggit upang maglabanan ang mga ito na hindi narurumihan ang kamay ng Eldar sapagkat kakaunti lamang ang natitira sa kanila subalit nasa kamay rin ng mga kakaunting Eldar na ito ang susi upang matalo ang Chaos at ang paraan upang matigil ang muling pagbalik ng mga Necrons.

Khornate Berserker
Chaos Sorcerer ni Tzeench

Plague Marine ni Nurgle
Noise Marine ni Slaanesh
Space Marine ng Blood Ravens Chapter
na lumahok sa Digmaan ng Kronus
Makikita sa mga paglalarawan ng mga pangkatin na may sinasalamin silang mga pangkat rin sa ating realidad. Ang Space Marines bilang representasyon ng Simbahang Katoliko na makikita sa pinangangatawan nila bilang representasyon ng kapangyarihan ng Emperor na walang hanggan na kagaya ng mga Space Marines at ng kanilang “genetic alterations” na nagbibgay sa kanila ng buhay na halos walang hanggan, lakas na walang karibal, at ang respeto at takot ng tao sa kanilang kapangyarihan na maihahalintulad sa pagtingin ng isang pangkaraniwang tao sa Simbahang Katoliko. Sumisimbolo sila sa mga taong lumalaban ng walang katanong-tanong sa leksyon ng Simbahang Katoliko at ito rin ang mga taong walang pakialam kung ang pinapatay nila ay inosente o masama. Basta kung kaaway nito ang pananampalataya, kailangang patayin iyan. Tulad ng Space Marines na may nakakabighaning kapangyarihan, malayo na ang mga taong iyon sa mga kanilang kapwa tao dahil naniniwala silang humigit na sila sa mata ng Diyos at hindi na sila dapat makikipaghalubilo sa mga kapwa sapagkat sa kanilang balikuko na pagtingin, natamo na nila ang buhay na walang kamatayan.

Labanan ng isang Possessed Chaos Space Marine
(itaas) at Adeptus Custodes(ibaba)
Salamin ng mga relihiyong katunggali ng Simbahang Katoliko ang Chaos dahil, katulad ng Islam, ang ipinapakitang mga gawain at imahe nito ay punong-puno ng kasamaan, kawalan ng moralidad, at kung ano pang pangit sa aspeto ng mga relihiyong ito. Ginagamit rin ng Dark Crusade ang mga diyos ng Chaos upang mailarawan kung gaano kasama ang mga nawawalay mula sa Imperium bilang mga tagasuporta ng dimonyo. Kasama na rito ang kanilang paglalarawan bilang mga taong naging halimaw dahil sa kanilang pagpili ng isang masamang pananampalatya sa ilalim ng mga diyos na ito at ang binibiyayang kapangyarihan ng mga diyos na ito sa pamamagitan ng unti-unting pagpalit ng pisikal na anyo sa kanilang mga alagad hanggang sa maging dimonyo na rin ang mga ito sa pisikal at sa loobin. Mamamalayan natin mula riyan ang ipinapakitang pagtingin ng Simbahang Katoliko sa mga katunggali nito. Pangit, walang pagkatao, dimonyo, tukso, at kung ano pang pwedeng pagsiraan nito. Maisasabi na hanggang sa sabi-sabihan, at paglalarawan lamang ang kapangyarihan ng Simbahang Katoliko upang ipaglaban ang sarili nito. Ginagamit nito ang yaong malakas na paniniwala ng alagad nito upang paslangin ang mga kalaban na hindi sumusunod sa kanyang doktrina.
            

Necron Warrior
            Ang mga Necrons ay sumisimbolo sa pagbangon ng teknolohiya na lumalaki lamang sa bawat araw na dumaraan. May kapangyarihan rin silang gawing Necron ang mga piling tao na may katangiang espesyal na tinatawag bilang Pariah gene. May repleksyon ito sa nangyayaring transpormasyon ng mundo sa panig ng teknolohiya kung saan maihahalintulad ang mga tao ngayon sa mga taong halos nawalan na ng kahit anong kamalayan ng mundo dahil nadala na sila nang tuluyan at naging parang Necron na rin. Sa paniniwala ko, ang Necrons ay ang pinakamalaking ehemplo ng dominasyon ng teknolohiya sa buhay ng tao sa ating kasalukuyan mula sa Dark Crusade
            
Ork WAAAAAGGGGHHH!!!!
            Ang mga Orks rin, katulad ng Necrons, ay may katutubong ugali na nakikita sa kanila at ito ang hilig sa paglaban at pagpatay ngunit hindi silang sandaang porsyentong magkapareho sa Necrons dahil mayroon pa silang kamalayan at pag-iisip na umiiral sa kakayahan nilang gumawa ng iba pang bagay maliban sa pagpatay. Nasa klasipikasyon ng Ork ang mga taong malalim na ang nahulugan mula sa pag-iral ng teknolohiya subalit may kakayahan pa silang tumanggi sa tawag ng teknolohiya. Mabibigyan ng konkretong ebidensya ang pagkakaiba ng Orks sa Necrons kung tumingin sa kanilang teknolohiya sapagkat ang teknolohiya ng Orks ay payak, mabasura, at delikado habang halos walang kapintasan ang antas ng teknolohiya ng Necrons mula sa mga bakal nilang katawan hanggang sa kanilang Gauss Weaponry. Mamamasdan mula sa Orks ang binhi ng dominasyon ng teknolohiya.
Eldar Warhost
                Ang Eldar naman ang nagrerepresenta ng kakaunti, makapangyarihan, at mapagmanipulang mga pamahalaan sa kasalukuyang panahon dahil ang katutubong ugali ng Eldar ang yaong mababa ang tingin sa mga primitibong lahi tulad ng tao, Orks, Tau, atbp dahil ang mga Eldar ang pinakamatandta at tagataglay ng karunungan na walang kakumpara. Labis silang mahilig sa mga taktikang nagsisimula ng laban sa pagitan ng kanilang mga kalaban at hindi sila sasali hangga’t kaya nilang manood sa likuran ng labanan. Katulad rin ng mga modernong pamahalaan ang katutubong ugali at pag-iisip ng Eldar. Higit na gugustuhin ng isang pamahalaan ngayon ang pamamaraan na ginagamit ng Eldar. Lahat ng mga ito ay nagbibigay ng isang negatibong imahe ng saloobin ng mga pamahalaan ngayon dahil sinasagot lamang ng katauhan ng Eldar bilang isang lahi ang mga tanong na hindi natin agad-agad na makikita sa ating mga pamahalaan.
Ang paglusob ng Cadian 8th Regiment ng Imperial Guard
                Buhat-buhat ng Imperial Guard ang imahen ng babe’t lalaking walang mukha. Sila ang mga taong nalilimot, ang mga taong napapaslang, ang mga taong nasa gitna ng isang laban na inaayawan nila, ang mga taong walang kapangyarihan ng mag-isa, ang mga taong umaasa sa pangkalahatang lakas. Ang mga pinakamahinang sandata na Las Weaponry o Flashlights na halos walang kwenta kung iisa lang ang bumabaril. Malakas lamang ito kung maramihan ang sabay-sabay na bumabaril. Sa katunayan, ang puwersa ng kapangyarihan na tumutulak sa Imperial Guard na lumaban ay maihahalintulad sa iba’t ibang kapangyarihang tumutulak sa ating mag-aksyon laban sa mga ito katulad ng mga problemang dulot ng relihiyon, teknolohiya, pamahalaan, o ang paghalu-halo ng mga problemang iniluluwa ng mga ito.
Tau Fire Warrior
                Ang Tau, bilang pinakabatang lahi sa buong laro, na may malakas na ugnayan at hilig sa teknolohiya at mga sa paggawa ng mga ito ay sumasalamin sa bagong henerasyon ng mga kabataang may kaparehong ugnayan sa teknolohiya. Ang paglalaban ng Tau kahit na sila ang may pinakakaunting karanasan sa digmaan ay simbolo ng umuusbong na ideya ng bagong henerasyon ng kabataan at ang laban nito upang kilalanin bilang isang dominanteng pangkat ng kasalukuyang lipunan.
             
Pandaigdigang Mapa ng Kronus kung saan makikita ang labanan ng pitong pangkatin upang maikontrol ang planetang ito.
           Dito sa Dark Crusade sasalubong ang mga nabanggit kung saan lalaban sila para sa kontrol ng Kronus na nagbibigay buhay sa isang lugar upang ipakita nang literal ang laban ng pitong pangkat na ito. Dito nagsisimula ang metaporical na digmaan ng Relihiyon, Teknolohiya, Pamahalaan at Taong Masa na, sa unang tingin, ay may mga maluluwag na relasyon ngunit binibigyang koneksyon ng Digmaan para sa Kronus ang mga hadlang nila sa isa’t isa. Samakatuwid, sinasabi rin ng Dark Crusade na isang malaking paghaharap lamang, merong sandata o wala, ang bibigay daan sa sagot na hinahanap natin sa kung sino ba talaga ang may kapangyarihan sa lipunan. Hindi ito tanong ng kung sino ang nararapat dahil ang Digmaan ng Kronus ay paraan lamang nila para gawing konkreto ang laban ng apat na malaking pangkat na inilalarawan rito. Ito ang opinyon o paraan ng pag-iisip na ipinahihiwatig ng mga gumawa ng larong ito at ang kanonikong “lore” na ibinigay ng Dark Crusade ay nanalo ang mga Space Marines sa tinatawag nilang “crusade” o digmaang banal.

               Malaki ang makukuha rito sa iisang pahayag na ito dahil dito magmumula ang sagot. Sa paningin ng mga gumawa, nasa Simbahang Katoliko ang tunay na kapangyarihan dahil sa napakalaking kontrol nito sa kalakihang masa ng mundo dahil sa pagtataguyod nito ng mga paniniwalang naging malakas ang impluwensiya sa mundo. Sa ganitong pag-iisip, marami ring pamahalaan ng mundo ang may mga opisyal na nakataguyod ang moralidad, pagkatao, at aksyon base sa paniniwala niya sa Simbahang Katoliko. Pareho na rin ang masasabi sa mga regulasyong ipinapataw sa teknolohiya, kasama na rito ang mga modernong media, tulad ng PG-13, M, at marami pa na pareho ring nagmula sa paniniwala ng moralidad na ipinataw sa atin ng Simbahang Katoliko. Puwede ring isipin kung hindi tayo binigyan ng konseptong mahalin ang buhay baka hanggang ngayon hindi pa lubos na ligtas gamitin ang teknolohiya kaya malaki rin ang kontribusyon at kontrol, kahit hindi direkta, sa Teknolohiya. Ang taong masa na sinasabing tagataguyod ng lipunan ay ang pinakamalakas na sandata na ipinatulis ng Simbahang Katoliko kaya nagmumula rito sa pinakamalaking bahagi ng lipunan ang kabuuang kapangyarihan ng Simbahang Katoliko dahil kung kontrolado mo ang mga mamamayan, kontrolado mo na ang isang buong bansa pero laganap sa malaking bahagi ng mundo ang pananampalatayang ito kaya parang sa kanila na rin ang kapangyarihang ito.

1 comment:

  1. I think I might consider translating this blog entry into English once I have enough free time in my hands :)

    ReplyDelete